Wednesday, September 8, 2010

Kape

Nagsimula sa isang tasa ng kape.

Paikot-ikot sa kama, hindi ako makatulog. Marami na akong naipasalamat sa Kanya, hiniling, at ihiningi ng tawad. Alas dos na ng madaling araw, hindi pa rin ako dinadalaw ng antok.

Nakatulala sa madilim na silid, bigla kang pumasok sa isip ko. Napangiti. Napaisip. Tumawa. Umiyak.

Ikaw ang nag-iisang lalake na sobra kong kasundo kahit madalas kaduwelo. Madalas ipinagmamalaki mo ako at bida sa paningin mo kahit numero uno mo akong tagapanggulo at kadebate.

Sa tuwing nadidismaya ka sa akin, walang patumpik-tumpik mong tinatawag ang pansin ko--mapatext, mapatawag, o mapaharap-harapan.

"Mahal kita kaya ayaw kong napapasama ka," lagi mong banat. Sasagot ako at agad mong sasabihin, "Yan ka nanaman eh, ijujustify mo pa. Makinig ka sa akin. Sa tingin mo ba maririnig mo sa iba ang maririnig mo sa akin? Hindi ka sasabihan ng iba na 'tatanga tanga ka minsan'." Sabay tatawa ka at yayakapin ako.

Ikaw lang, pwera sa nanay at tatay ko, ang gustong gusto ng buo kong pangalan at aliw na aliw na tawagin akong 'Christy' (dahil alam mo ayaw kong tinatawag ako non), pero ipapakilala sa mga kaibigan ng 'Faith' habang natatawa kang banggitin ito dahil lagi kang sanay na inaasar ako... hanggang 'Potpot' na lang ang pagpapakilala mo sabay sabi 'baby ko pare.'

Sobra kitang namimiss.

Namimiss ko ang tatawagan mo ako ng disoras ng gabi, lalo na sa disoras ng gabi sa sumunod na araw pagtapos ng kaarawan mo. Tatawag ka para singilin ako na di kita binati. "Taun-taon mo na lang kinakalimutan!" (Sa totoo lang hindi ko nakalimutan ang birthday mo dahil days before nito tanda ko na at nakaalarm pa sa phone ko. Ang batiin ka ang nakakalimutan kong gawin. Ngayon sigurado ako alam mo yan).

Namimiss ko na din ang ititiext kita kahit anong oras ng araw at magugulat ka na lang na nagtext ako matapos ang maraming buwan. "May tanong ako..." "May sasabihin ako sayo..." "Alam mo ba..." "Oist! Miss na kita..." "Ipagpray mo ako kasi..." "Kamusta na? Balita?"

Namimiss ko na din ang paghintayin ka ng ilang oras, minsan araw, lingo, buwan na ang lumipas di ako dumating... Sa muli nating pagkikita, papakainin mo pa ako ng marami, magkikwentuhan tayo at tawanan, tapos pagbusog na pagsasabihan mo ako. Wala na akong lusot kasi, loko ka, binusog mo na ako at kokonsensyahin.

Miss na kita, loko ka! Kanina pa ako tumitingin sa paligid pero di kita makita. Kailangan ko pang pumikit para makita ka sa dilim.

Hai... Ikaw ang taong kakampi ko sa lahat at hindi ako pinahiya sa harap ng mga tao. Laging papuri at biruan, pero hindi mo ako nilaglag o kinucha kahit ilang beses kitang nabigo.

Ikaw ang sumbungan ko at kakampi. Ikaw ang tagapagtanggol ko kahit dalawa lang tayo ang magkausap at nakakarinig at di mo kilala ang kinikwento ko. Naalala ko pa, ang sarap ng tawanan natin sa mga arte natin.

Sa tuwing mapapagalitan ako ni mama ikaw ang lawyer ko o kaya peace negotiator. Hindi mo ako dinidiin pag napapagsabihan. Pero pagtayong dalawa na lang, mahaba pa sa sermon ng tunay na pari ang litanya mo.

Ikaw ang kadabate ko. Ikaw ang tanungan ko. Ikaw ang kasagutan ko. Ikaw ang labasan ko ng sama ng loob. Anong klaseng usapan man, lagi tayong natatapos sa tawanan at biruan.

Naalala ko pa sa tuwing may hiling ako sayo hindi mo ako binibigo, minsan may sobra pang bigay. Lagi mo ako niyayaya lumabas at syempre kumain (kasi yun ang hilig natin), ako lang ang madalas na hindi nakakarating.

Pero ni minsan hindi mo ako sinumbatan. Ikaw pa ang nagsasabi "babawi na lang tayo sa susunod."

Wala ka pa atang nasuway na usapan natin, sa pagkakatanda ko. Pero pag ako ang may kakulangan (dahil late, di dumating, di tumupad), ikaw padin ang pumupuno--masahe, dinner treat, movie, pabango, libro, at iba pa--ang kapalit.

Ang dami kong gustong ikwento sayo! Ang dami kong gustong itanong! Ang dami kong gustong gawin kasama ka! Loko ka, namimiss na kita. Pinaiyak mo pa ako ngayon.

Alam mo ba na gusto paghindi mo ako kinakampihan pero hindi mo ako iniiwanan tapos yayayain mo akong kumain para magkwentuhan at doon mo ako sasabunin pag tayong dalawa lang ang magkaharap, na kahit nagdedebate na tayo at nagtataasan ng boses... Tapos madighay lang tayo at magtatawanan na?!

Ikaw lang ang lalakeng kabiruan ko (pero may laman) pag may nagawa tayong mali sa paningin ng isa’t isa at sasabihing "Hindi mali ang ginawa mo. Mali lang siguro ang instruction ko. Ikaw ang pinakalovable na tao kaya magbago ka na ha... May ibubuti ka pa."

Ikaw ang kapalitan ko ng sekreto. Alam mo ang kiliti ko at kung paano ako ichallenge at imotivate. Alam mo kung paano palambutin ang matigas kong ulo at sakyan ang kabaliwan ko. Ikaw ang nakakaexplain at nakakalinaw ng maraming bagay na kahit tayong dalawa ay natatawa na lang sa sinasabi natin.

Miss na kita! Ikaw ang nag-iisang lalakeng literal kong tinawid ang bundok at ilog makita ka lang.

Buti nahalikan kita, nayakap, at natapik sa huli nating pagkikita. Hanggang ngayon di ako makapaniwala na hindi na tayo magkikitang muli.

Sa isip ko nasa isla ka lang, sa bago mong tahanan at pamilya. Ang masakit, sobrang buhay ka pa sa alaala ko dahil ganito tayo dati, buwanan bago nagkikita, pero kahit kailan kita gustong kausapin andiyan ka.

Ikaw ang pinangarap kong kuya na sobrang mapagmahal at mapagalaga sa iba't ibang paraan, at sobrang mahal ang Diyos na pinagsilbihan mo siya bilang pari ng 1 taon at 5 buwan bago ka umuwi sa Kanya.

Bro, miss na kita! Gusto kitang tawagan at kausapin. Pero iba na ngayon. Kahit gaano ka kabuhay sa isip at pakiramdam ko, di na kita makakausap at mayayakap pang muli.

Maraming salamat pinaramdam mo sa akin ang magkaroon ng mabuting kuya kahit sa dumi ng kuku hindi tayo magkadugo.

Naririnig ko ang tawa mo sa tuwing magaasaran tayo... Maraming salamat sa purong pagmamahal at pagbibigay ng walang kapalit.

At least nagyon, tutulog ako na alaala ko ang ngiti mo at rinig ko sa isip ko ang tawa mo. Malungkot man, masaya na din ako kasi nakita kitang masaya muli kahit sa imahinasyon lang.

Salamat na din sa isang tasa ng kape. Isang gabi ng pagtulog ko kabutihan mo ang isip ko.

No comments:

Post a Comment